LEGAZPI CITY – Kinondena ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas ang panibagong insidente ng panghaharass ng China sa mga Pilipino sa Rozul Reef.
Nitong Abril 4, ng magsagawa ng delikadong pagmamaniobra at sundan ng dalawang barko ng China Coast Guard ang 25 bangka ng mga mangingisdang Pilipino na naglalagay ng payao sa nasabing reef.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Fernando Hicap ang Presidente ng grupo, lubhang nakakabahala ang ganitong mga insidente ng panghaharass ng China dahil nalalagay sa panganib ang seguridad ng mga mangingisdang Pilipino.
Marami umano sa kanilang grupo ang nangangamba sa kanilang kabuhayan at umiiwas na lamang na mangisda sa West Philippine Sea dahil sa presensya ng mga barko ng China.
Sinisisi naman ng grupo ang gentlemen’s agreement ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China na siya umanong dahilan kung bakit lalong lumala ang panghihimasok ng dayuhang bansa sa ating teritoryo.
Panawagan ng grupo sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gumawa ng kongkretong hakbang upang matigil na ang mga panghaharass ng China.