LEGAZPI CITY – Nanawagan ang grupong Alliance of Concerned Teachers sa gobyerno na aksyonan ang problema ng siksikan na mga klasrum at kakulangan ng gamit sa mga paaralan sa Pilipinas.
Kasunod ito ng pagkakakansela ng klase sa ilang paaralan dahil sa naitatalang mataas na heat index.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Alliance of Concerned Teachers Chairperson Vladimer Quetua, ngayon na matindi ang init ng panahon dapat na matutokan ng Department of Education ang problema sa bentilasyon sa mga klasrum.
Maraming mga paaralan ang siksikan ang mga estudyante habang iisa lang ang electric fan para sa mahigit 50 mga mag-aaral.
Payo rin ni Quetua na maglagay ng mga klinika sa bawat paaralan na mayroong nurse na maaaring magbigay ng serbisyong medikal na kakailanganin ng mga estudyante at guro.
Panawagan din ng grupo ang dagdag na pondo para sa mga paaralan upang masagot ang mga pangangailangang ito at maiwasan na ang kanselasyon ng klase tuwing matindi ang init ng panahon lalo na ngayong may El Niño.