LEGAZPI CITY – Nailigtas ang dalawang sakay ng lumubog na bangka sa Matnog sa Sotsogon matapos ang halos 20 minutong pagpapalutang-lutang sa gitna ng karagatan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jay Gallano ang head ng Matnog Municipal Disaster Risk Reduction Management Council, papunta sa Barangay Mambajog ang bangka na may kargang 40 sako ng semento ng lumubog ito habang nasa bahagi ng karagatang sakop ng Barangay Paghuliran.

Agad naman na rumesponde ang mga tauhan ng Matnog Municipal Disaster Risk Reduction Management Council na tinulungan at dinala sa baybayin ang dalawang tripulante ng bangka.

Hindi naman narekober pa at lumubog na sa karagatan ang mga semento na napag-alamang gagamitin sana para sa ipinapagawang barangay hall sa Mambajog.

Lumalabas sa imbestigasyon na overloading ang dahilan ng paglubog ng bangka lalo pa’t may timbang na 50 kilo ang kada sako ng semento na ikinarga dito.

Payo naman ng Gallano sa mga may-ari ng bangka na huwag ng ipilit pang bumiyahe ng overloaded ang sasakyan upang makaiwas sa mga aksidente.