LEGAZPI CITY – Ipinag-utos ni Governor Grex Lagman ang pagpapatigil sa jueteng sa Albay matapos na maakusahan na protektor ng gambling lords.
Ayon kay Governor Lagman, siya na mismo ang magpapatigil sa jueteng sa lalawigan upang maipakita na hindi totoo ang mga alegasyon na ibinabato sa kanya.
Ngayong Linggo nakatakda na umanong magpalabas ng executive order upang higpitan pa ang pagbabantay at ipahuli ang mga sangkot sa jueteng.
Muli naman na inihayag ng opisyal na taktika lamang ng mga kalaban sa politika ang isyu na layunin umanong siraan ang kanyang pangalan.
Nanindigan rin si Lagman na hindi makikipag-areglo sa nagpakilalang jueteng bagman na si Alwin Nimo at haharapin ang mga isinampa nitong reklamo sa Office of the Ombudsman.
Maalalang inakusahan ni Nimo si Lagman na tumanggap umano ng P8 milyon na protection money noong ito ay bise gobenador pa lamang ng Albay mula Agosto 2019 hanggang Hunyo 2022.