LEGAZPI CITY – Pila na ang mga sasakyan sa Matnog port dahil sa ilang biyahe na nakansela dala ng sama ng panahon na epekto ng shearline.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes, may mga kapitan ng barko ang nagdesisyon na hindi na muna bumiyahe tuwing gabi dahil sa malakas na pag-ulan at hingin na nagpapataas sa alon sa karagatan na umaabot ng hanggang apat na metro.
Halos “zero visibility” umano sa gitna ng karagatan tuwing maulan at gabi, na delikado para sa mga barko.
Dahil dito, humahaba na ang pila ng mga sasakyan na nag-aantay na makapasok sa pantalan at makasakay sa barko.
Nilinaw naman na hindi pa ipinagbabawal ng Philippine Coast Guard ang pagbiyahe subalit mismong ang mga kapitan ng barko na ang nagdedesisyon bilang dagdag na pag-iingat.
Normal naman umano ang biyahe ng mga barko tuwing umaga kung kaya inaasahan ng mabilis na mababawasan ang pila ng mga pasahero at sasakyan sa pantalan.