LEGAZPI CITY – Kinumpirma ni Camalig Mayor Caloy Baldo na bibisita ngayong araw sa lalawigan ng Albay si Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr.

Ayon kay Baldo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakatakdang bisitahin ng opisyal ang mga evacuation center sa Camalig at iba pang bayan na apektado ng pag-alburoto ng Bulkang Mayon.

Isa sa mga internally displaced persons o evacuees na bibisitahin ng senador ay ang Bariw National High School sa naturang bayan.

Ito ay upang personal na alamin ang kalagayan ng mga apektado ng aktibidad ng bulkan.

Sa kasalukuyan, tiniyak ni Baldo na tuloy-tuloy ang mga isinagawang hakbang ng lokal na pamahalaan at iba pang kinauukulang ahensya upang matulungan ang mga evacuees.

Kasama na rito ang pagpili ng isang miyembro sa kada pamilya na ipapasok sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Nagsasagawa rin ng mga learning session sa mga kabataan, skills training, pagtatanim ng mga gulay at iba pa upang maging progresibo pa rin ang komunidad kahit nasa evacuation.

Nilalayon ng hakbang na mayroong matutunan ang mga evacuees at may maiuwing bagong kaalaman oras na bumuti na ang sitwasyon at bumalik na sa kani-kanilang mga bahay.