LEGAZPI CITY – Kinumpirma ni PAGASA Catanduanes weather specialist Jun Pantino na umabot na sa island province ang mga abo mula sa Bulkang Mayon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pantino, base sa impormasyon at mga natatangap na reports ng tanggapan namataan ang bumabagsak na maninipis na abo sa halos lahat ng bayan sa lalawigan.

Direksyon ng hangin ang tinitingnang rason kung bakit napadpad sa isla ang abo ng bulkan.

Ayon kay Pantino, bagama’t maninipis na abo lamang ang bumabagsak sa lalaiwigan ay nagdudulot ito ng maalinsangang panahon.

Kaugnay nito, mariing inabisuhan ang mga residente sa lugar na magsuot ng facemask lalo na ang mga may respiratory dicease.

Samantala, kinumpirma na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na talagang crater glow o banaag ang nakikitang liwanag sa bunganga ng bulkang Mayon.

Sa hiwalay na panayam kay PHIVOLCS resident volcanologist Dr. Paul Alanis, wala pang naitatalang volanic earthquake sa bulkan at dumadaloy na lava.

Tanging mga rockfall events at Pyroclastic Density Currents pa lamang ang naitatala.

Una ng inihayag ng ahensya na may posibilidad na maitaas sa Alert Level 4 ang Mayon kapag tumaas ang mga ipinakikitang abnormal na aktibidad ng bulkan.

Pero sa ngayon ayon sa opisyal ay hindi pa nakikita ang pangangailangang itaas ang alerto at patuloy silang nakabantay sa aktibidad ng bulkang Mayon.