LEGAZPI CITY – Nakaalerto na ngayon ang ilang mga Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) para sa pagbabantay at monitoring matapos na muling itaas sa Alert Level 2 status ang bulkang Mayon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) Chief Dr. Cedric Daep, sa ngayon ay hindi pa inirerekomenda ang evacuation ngunit inalerto na ang mga LDRRMC at mga barangay official para sa monitoring ng aktibidad ng bulkan.

Ito ay para masiguradong walang papasok sa 6 kilometers radius Permanent Danger Zone at ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang aircraft malapit sa bunganga ng bulkan.

Maging ang mga residente ay inabisuhan na maging alerto lalo na ang mga nakatira malapit sa paanan ng bulkan.

Samantala sa hiwalay na panayam kay Camalig LGU information officer Tim Florece, kung sakaling lumobo pa sa 300 ang mga maitatalang rockfall events at volcanic earthquakes ng bulkang Mayon, mapipilitang magpatupad ng force evacuation sa anim na barangay ng bayan.

Kabilang na rito ang mga barangay ng Tumpa, Sua, Quirangay, Salugan, Cabagñan at Anoling.

Una ng nagpalabas ng advisory ang tanggapan upang mas paigtingin ang isasagawang monitoring, pagsusuri ng contingency plan, pag-assess ng mga nasa high risk barangays at pag-alerto sa incident management team.

Sa ngayon, nakahanda na ang evacuation center sa bayan na kayang makapag-accommodate ng nasa 500 na pamilya.