Drowning incident in Libon, Albay

LEGAZPI CITY – Natapos na ang paghahanap ng mga awtoridad sa isang 17-anyos na Grade 10 student na naiulat na nawawala sa Bacacay, Albay.

Ayon kay Hugo Buen ang head ng Tabaco City Disaster Risk Reduction and Management Council, nadiskubre ang bangkay ng biktima na kinilalang si Emerson Benamir sa may baybayin ng Barangay Hacienda Isla sa San Miguel ng naturang lungsod.

Mismong ang mga pinsan aniya nito ang nagkumpirma sa pagkakakilanlan ng biktima.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, Mayo 31 ng kasalukuyang taon ng huling makita ang biktima na mag-isang nakatambay sa may boulevard ng Bacacay.

Pinaniniwalaang naligo ito at nalunod hanggang sa dalhin ng malakas na alon papuntang Tabaco.

Sa ngayon, nai-turn over na ang bangkay ng biktima sa mga kamag-anak sa Barangay Gubat Iraya kung saan ito kasalukuyang nakaburol.