LEGAZPI CITY – Naibaba na ang tatlo sa apat na mga biktima ng bumagsak na Cessna plane malapit sa bunganga ng bulkang Mayon.

Pasado alas-siyete kagabi nang maibaba ang unang labi at pasado ala-una ng madaling araw ngayong Huwebes ang pangalawa habang pasado alas-tres naman ang pangatlo sa Barangay Anoling, Camalig.

Ayon kay Camalig Mayor Caloy Baldo, ang unang dalawang katawan na naibaba mula sa taas ng bulkan ay ang dalawang Pilipinong piloto na sina Rufino James Crisostomo Jr at Joel Martin.

Inaasahang maibaba na rin ang ika-apat na biktima mamayang tanghali.

Ipinapasakamay na sa Scene of the Crime Operation (SOCO) ang naturang mga katawan ng mga biktima para sa iba pang proseso.

Makikipag-ugnayan din muna ang SOCO sa counterpart nito sa Australia at mga pamilya ng biktima bago isailalim sa otopsiya ang mga bangkay.

Samantala, itinuturing ni Baldo na matagumpay ang naturang operasyon sa kabila ng buwis-buhay na pagbaba sa naturang mga labi.

Sinaluduhan din ang rescue teams na hindi ininda ang pagod at panganib maibaba lang mula sa taas ng bulkan ang mga labi ng mga biktima.