LEGAZPI CITY – Sinamantala ng Communist Terrorist Group (CTG) ang pagiging abala ng tropa ng 31st Infantry Battalion sa pagtulong sa isinasagawang search and rescue operation sa bumagsak na Cessna Plane sa Camalig, Albay.

Ito ay matapos tambangan ng grupo ang dalawang sundalong namimili lamang ng suplay sa public market ng Barangay Cotmon ng naturang bayan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Executive Master Sergeant Marly Gragasin, information officer ng Camalig MPS, kinilala ang mga biktima na sina Pvt John Paul C. Adalim at Pvt Mark June D. Esico na nagtamo ng matinding tama ng bala sa kanilang katawan na naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay.

Napag-alaman na habang nasa palengke ang dalawang sundalo ay inabangan ng limang kalalakihan kung saan tatlo rito na sakay ng motorsiklo ang walang habas na pinagbabaril ang mga biktima.

Nakitang tumakas papunta sa direksyon ng Barangay Del Rosario ng naturang bayan ang mga suspek matapos ang ginawang krimen.

Rumesponde naman sa pinangyarihan ang Scene of the Crime Operatives o SOCO at narekober ang 10 fire cartridge case at apat na bala mula sa 45 caliber na baril.

Ayon kay Gragasin, hawak na ngayon ng mga awtoridad ang inisyal na impormasyon na posibleng makakapagturo sa naturang mga suspek.