LEGAZPI CITY – Bumuo ng apat na rescue teams ang lokal na pamahalaan ng Camalig, Albay kasunod ng pagkawala ng isang Cessna plane matapos na lumipad mula sa Bicol International Airport kahapon, Pebrero 18.
Una ng sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippine “(CAAP) na umalis ang Cessna 340 na ay tail number RP-C2080 aircraft sa paliparan bandang alas 6:43 ng umaga kahapon ng Sabado.
Huling nagkaroon ng komunikasyon sa Cessna plane bandang alas-6:46 ng umaga sa Camalig, bago tuluyang nawala sa radar.
Nakatakda sana itong lumapag sa Metro Manila bandang alas-7:53 ng umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Camalig Information Officer Tim Florece, isang residente sa Purok 7 ng Barangay Quirangay ng naturang bayan ang nag-file ng report tungkol sa umano’y narinig na pagsabog matapos na makakita ang isang aircraft.
Kung kaya’t binuo ang naturang apat na teams na kinabibilangan ng mga responders ng Municipal Disaster Risk Reduction & Management Office, Camalig Fire Station, Philippine National Police at iba pang rescue teams mula sa iba’t-ibang munisipyo.
Ayon kay Florece sa naturang barangay tututok ngayong araw ang rescue team para sa malawakang search and rescue operations.
Inamin nito na magiging pahirapan ang isasagawang paghahanap lalo pa’t nasa may paanan ng Bulkang Mayon ang naturang barangay, na sinasabayan pa ng nararanasang sama ng panahon.
Umaasa si Florece na mahanap na ngayong araw ang nawawalang eroplano maging ang apat na sakay nito na kinilala na sina Capt. Rufino James T Crisostomo Jr. (PIC) at Joel G Martin (Crew) kasama ang dalawang pasahero na sina Simon Chipperfield at Karthi Santanan, parehong mga mamamayan ng Australia.