LEGAZPI CITY – Aabutin ng apat na araw o higit pa bago madaanan ng mga motorista ang Sagñay-Tiwi Road dulot ng naitalang major landslide.
Nangyari ito na may sabay na rockslide sa Sitio Garang, Barangay Patitinan, Sagñay, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpio kay Tiwi MDRRMO Head Manuel Damo, pahirapan ang isinasagawang clearing operations sa lugar partikular na ang pagtanggal ng mga bato na halos kasing laki ng pinag-isang tricycle.
Kaya’t paalala sa mga motorista na huwang mag-pumilit na dumaan sa lugar dahil nasa 50 hanggang 60 meters ang sakop ng naturang landslide at may nakaharang pa na mga malalaking bato sa kalsada.
Naglagay na rin ng mga tarpaulin ang lokal na pamahalaan upang maabisuhan ang mga motorista na temporary closed muna ang Sagñay-Tiwi Road bunsod ng landslide.
Hinihikayat naman ang mga papuntang Camarines Sur na mula sa Malinao, Tiwi at Tabaco na dumaan na muna sa Sabluyon road.
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang isinasagawang clearing operations sa lugar at abiso sa mga motorista na maghintay sa ipapalabas na advisory ng tanggapan oras na pwede nang madaanan ang naturang kalsada.