LEGAZPI CITY – Nakikita na ngayon ng mga guro ang magandang resulta ng itinayong Reading Ranch sa Antonio Dela Rosa Sr. Elementary School sa Masbate City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rafael Ricarte, Principal ng naturang paaralan, noong buwan pa ng Setyembre itinayo ang naturang Reading Ranch upang mapunan ang nangyaring learning losses sa nakalipas na mahigit dalawang taon dulot ng pandemya.
Dahil kilala ang lalawigan ng Masbate bilang Rodeo capital ng bansa, naisipang native na mga materyales na makikita lamang sa paligid ang gamitin sa pagtayo nito upang walang gastos.
Sa tulong ng mga guro, magulang at opisyales ng barangay matagumpay na naitayo ang Reading Ranch.
Nilagyan din ng makukulay at iba’t-ibang dekorasyon ngayong Chritmas season upang maraming mga kabataan ang mahikayat na mahalin ang pagbabasa.
Ayon kay Ricarte, maliban sa mga guro malaki rin ang tulong na naibibigay ng Reading Ranch sa mga magulang dahil nabibigyan ng oras na maka-bonding ang kanilang mga anak.
Maliban kasi sa mga staff ng paaralan, maraming mga magulang ang bumibisita dito upang magabayan ang anak sa pagbabasa.
Masayang ibinahagi ni Ricarte na matagumpay ang naturang intervention dahil base sa resulta ng isinagawang pre-test at post-test, 30% ang nabawas sa bilang ng mga hindi marunong magbasa.
Nilalayon ng paaralan na walang estudyanteng maiiwan, kung kaya’t sunod na target ay makapaglunsad ng mobile reading upang maabot ang mga mag-aaral na hindi kayang makapunta sa naturang Reading Ranch.