LEGAZPI CITY – Binigyang diin ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na hindi naging matagumpay ang pagsisimula ng full implementation ng face-to-face classes noong Nobyembre 2 sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay ACT Chairperson Vladimir Quetua, masasabing hindi napaghandaan ang pagbubukas at pagpapatupad ng in-person classes.
Ito ay sa kabila ng dalawang taon na sarado ang mga paaralan, subalit nananatiling problema pa rin ang kakulangan ng classroom, mga kagamitan at learning resources.
Ayon kay Quetua, wala ring kasiguraduhan na maibibigay ngayon ang de kalidad na edukasyon.
Napapaisip na lamang aniya ang mga guro sa mga nangyayari sa kasalukuyan kung gusto ba talagang mabawi ng pamahalaan ang learning loss o learning gaps na dulot ng pandemya.
Lalo pang hindi lang kakulangan sa classroom ang problema kundi maging sa bilang ng mga guro na ang ilan ay mas pinipiling mangibang bansa dahil sa mas magandang oportunidad.
Subalit nakakalungkot aniya dahil parang balewala lang sa gobyerno ang mga panawagan ng mga guri at wala ring kongkretong plano na inilalatag upang matugunan ang kasalukuyang hinaharap na problema.
Sinabi ni Quetua, mga mag-aaral ang kawawa dahil hindi nabibigyan ng maayos at de kalidad na edukasyon upang mapunan ang learning loss.