LEGAZPI CITY- Patay ang tatlong miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) habang arestado naman ang dalawang iba pa sa nangyaring engkwentro sa Sitio Pinaglabanan, Barangay Gatbo, Sorsogon City.

Ayon sa Sorsogon Police Provincial office, nagsagawa ng operasyon ang pinagsamang pwersa ng mga pulis at kasundalohan sa lugar matapos na makatanggap ng reklamo mula sa mga residente sa umano’y ginagawang extortion ng mga NPA.

Pagdating sa lugar, nakaharap ng mga otoridad ang mga miyembro ng rebelde na agad na nagresulta sa palitan ng putok na nagtagal ng halos 20 minuto.

Patay ang isa sa mga team leader ng NPA na kinilalang si Rene Espano, Vice Commanding Officer na si Jaime Fortadez at isang nakilala lamang sa pangalan na Tony.

Nahuli naman at isinailalim na sa imbestigasyon sina Janine Chavez at Leopoldo Laririt habang narekober sa lugar ang dalawang 5.56 Baby Armalite rifles, isang Cal.9 mm Beretta pistol, mga magazine at bala.

Sa ngayon nagpapatuloy ang operasyon ng mga otoridad upang mahuli ang iba pang nakatakas na miyembro ng NPA.