LEGAZPI CITY – Nagtipon-tipon ang mga miyembro ng fisherfolk alliance na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) central office sa Quezon City upang hilingin ang suporta ng ahensya sa pagpapatigil ng reclamation projects sa Manila Bay.
Kasabay nito, pormal din na humiling ng dayalogo ang grupo kay Sec. Ma. Antonia Yulo-Loyzaga upang pag-usapan ang naturang isyu.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PAMALAKAYA president Pando Hicap, sinabi nito na higit 32,000 na ektarya ng fishing waters ang maapektuhan ng 46 reclamation projects sa Manila Bay.
Dalawa sa mga reclamation projects ay nakakuha na ng Environmental Compliance Certificate (ECC) na naging dahilan ng pagkasira ng hindi bababa sa 600 mangrove trees sa Bulacan at karamihan sa fishpond sa Cavite ay nagin landfill na.
Para sa mga mangingisda, malaking pinsala sa kanilang lugar, at malaking epekto sa kanilang hanapbuhay ang mga reklamasyong ito kung maapruba.
Binatikos naman ng mga kritiko at environmental activists ang naturang hakbang, sa katwiran na hindi nito matutugunan ang tunay na ecological problems ng Manila Bay.