LEGAZPI CITY – Binigyang diin ng Bantay Bigas na lahat ‘motherhood statement’ lang umano ang mga binitawang salita ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kaugnay sa mga usapin sa sektor ng agrikultura.
Kasunod ito ng isinagawang unang cabinet meeting sa pangunguna ni Pangulong Marcos sa Palasyo ng Malacañang upang pag-usapan ang sitwayson ng ekonomiya ng bansa.
Kasama na rito ang pagtutok sa pagpapataas ng produksyon ng bigas at mais.
Subalit ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, walang mga inilatag na kongkretong programa ang Pangulo para sa ‘attainment’ ng naturang mga plano.
Hindi rin sinabi kung ano ang mga gagawing hakbang upang mapababa ang cost of production partikular na sa palay, mapababa ang presyo ng produktong petrolyo at presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Estavillo, dapat na mayroon munang mga inilatag na malinaw na mga programa para sa sektor ng agrikultura upang masigurado ang pagbangon ng industriya.