LEGAZPI CITY – Dismayado ang grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) na hindi narinig ang mga plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay PAMALAKAYA Chairperson Pando Hicap sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinakailangang panindigan ng bagong administrasyon ang karapatan ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo.

Naniniwala ito na hindi binanggit ni Marcos ang naturang usapin dahil kabilang ang bise presidente ng China na dumalo sa inagurasyon.

Umaasa pa naman aniya ang grupo na magiging iba ang pananaw ng bagong administrasyon sa foreign policy kumpara kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, subalit parang naulit lang umano ang pagbabalewala sa karapatan sa WPS.

Ipinunto pa ni Hicap ang pahirapan na pagdadala ng suplay ng pamahalaan sa mga sundalong nasa Ayungin shoal dahil sa banta sa seguridad bunsod ng panghaharang ng Chinese Coast Guard.

Dagdag pa nito, na ang pagiging tahimik ng bagong administrasyon sa naturang isyu ay posibleng magresulta sa tuluyan nang pag-abandona sa WPS lalo pa’t patuloy na dumarami ang pumapasok na Chinese commercial fishing vessel sa naturang lugar.

Paliwanag pa ni Hicap na oras na hindi maipaglaban ang napanaluhang arbitral ruling ng bansa, maaapektuhan ang mga susunod na henerasyon dahil mawawala ang 20% na produksyon ng pangingisda.

Kinakailangan aniya na maipaglaban ang teritoryong pag-aari ng bansa upang matiyak ang sustainable supply ng pagkain lalo pa’t patuloy ang paglaki ng pangangailangan ng bansa sa suplay ng isada at iba pang lamang dagat.