LEGAZPI CITY- Nananatiling fish sufficient ang rehiyong Bicol sa kabila ng pinangangambahang global food crisis at nararanasang kakulangan ng suplay sa ilang bahagi ng bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Nonie Enolva ang tagapagsalita ng BFAR Bicol, kung pagbabasehan ang datos ng mga nakaraang taon, nasa 200,000 metric tonnes ng isda ang nahuhuli sa rehiyon bawat taon na sapat upang matugonan ang nasa 196,000 metric tonnes na pangangailangan ng populasyon.

Inaasahang maabot muli ang bastanteng suplay lalo pa at wala namang malaking kalamidad o bagyo ang dumaan sa rehiyon.
Ayon kay Enolva, maikokonsidera na maswerte pa ang Bicol pagdating sa isda lalo na mga lalawigan ng Sorsogon at Camarines Sur kung saan nagmumula ang karamihan sa ating suplay.

Tiniyak naman ng opisyal na ginagawa ng ahensya ang lahat ng kanilang makakaya upang makapaghanda sa pinangangambahang global food crisis dala ng patuloy ng pagtaas ng petrolyo sa world market at ng gera ng Russia at Ukraine.

Nabatid na kabilang sa mga lugar na nakapagtala ng kakulangan ng suplay ng isda ay ang National Capital Region, Cordillera Administrative Region, Region 2, 3, 4A, 8, 11 at Region 13.