LEGAZPI CITY- Sinimulan na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol ang distribusyon ng fuel discount cards sa ilang piling mangingisda na patuloy na naapektohan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Nonie Enolva ang tagapagsalita ng BFAR Bicol, noong nakaraang linggo lamang ng mabigyan na ng P3,000 na halaga ng discount cards ang unang batch ng mga benipisyaryo sa lalawigan ng Camarines Sur.

Subalit aminado ang opisyal na kulang ang nag naipamigay na ayuda lalo pa at nasa 25 lamang sa 6,700 na kwalipikadong mangingisda ang nabigyan nito.

Hinihintay pa rin hanggang ngayon ng BFAR ang susunod na hakbang ng main office kung may susunod na batch pa ang mabibigyan ng naturang discount cards.

Samantala mahigpit ang payo ng opisyal sa mga mangingisda na pangalagaan ang natanggap na discount card dahil ito na ang gagamitin sa susunod na mamimigay ng ayuda ang gobyerno.