LEGAZPI CITY -Nananatili pa hanggang ngayon sa evacuation center ang ilang residente na apektado ng pagbaha sa Sitio Lipata, Barangay Pinamarbuhan, Mobo, Masbate.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay MDRRMO Mobo Head Richard Lupango, nagsagawa ng paglikas ang mga awtoridad noong Abril 11 sa naturang barangay dahil sa malakas na ulan dulot ng Bagyong Agaton.

Nasa 15 pamilya o 35 indibidwal ang nananatili sa Pinamarbuhan Elementary School bilang evacuation center.

Ayon kay Lupango, posibleng abutin pa ng dalawa hanggang tatlong araw bago ipag-utos ang pagpapauwi sa mga evacuees.

Hindi pa kasi humuhupa ang lagpas tuhod na tubig baha sa lugar dahil sa mga nakabara sa daluyan ng tubig.

Sa kabila nito, nasa 10 pamilya ang hindi napilit na lumikas sa dahilang ayaw iwanan ang kanilang bahay, kung kaya’y nagtalaga na lang ng mga barangay tanod na magmo-monitor sa lugar.

Samantala, wala namang naitalang casualty o mga danyos sa mga bahay sa lugar dulot ng pagtama ng naturang bagyo.