LEGAZPI CITY – Aabot pa sa kalahating bilyong piso ang kinakailangang pondo upang maisaayos ang mga nasirang paaralan sa lungsod ng Tabaco dulot ng pananalasa ng bagyong Rolly.
Ayon kay Tabaco City Mayor Krisel Lagman-Luistro sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, inaasahan na ang pagsasagawa ng limited face-to-face classes subalit problema pa rin ang pag-rehabilitate ng naturang mga paaralan.
Karamihan sa mga labis na naapektuhan ay ang mga paaralang nakatayo sa isla.
Nagpaplano na ang lokal na pamahalaan ng financing scheme upang mayroong magamit na pondo sa pagsasaayos ng mga nasirang paaralan.
Ayon kay Luistro, target na gawing kongkreto na ang mga classroom upang maging matibay at hindi agad masira sa tuwing mayroong sama ng panahon.
Sa ngayon, nasa 10 paaralan pa lang sa lungsod ang bukas para pagsasagawa ng limited face-to-face classes kung saan lower grades na muna ang papayagang dumalo.