LEGAZPI CITY – Nagbabala ang ilang transport group na mapipilita silang mag tigil-pasada ngayong linggo dahil sa walang patid na big time na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ariel Lim, head ng National Transport Group Coalition, wala ng pagpipilian kundi ang tumigil sa pamamasada lalo pa’t wala ng kinikita ay abunado pa.
Tinawag din nitong ‘band-aid solution’ ang fuel subsidy na ibibigay ng pamahalaan para sa mga apektadong Public Utility Vehicle (PUV) operators at drivers.
Pagbibigay diin ni Lim, pangmatagalan na solusyon ang kailangan ngayon ng sektor ng pampublikong transportasyon at hindi ang pansamantalang tulong pinansya na kapag naubos ay balik din sa dati.
Lalo pa’t wala rin katiyakan kung lahat ng benepisyaryo ay mabibigyan.
Sa panahon aniya ng krisis, kailangan ay mayroong magsakripisyo kabilang na dito ang pagsuspindi ng excise tax, dahil naniniwal si Lim na mas babagsak ang ekonomiya ng bansa kapag nawala ang transportasyon.
Ngayong araw, inaasahang magkakaroon ng press conference ang mga transport group sa Metro Manila upang pag-usapan ang mga posibleng mangyari at solusyon sa linggohang big time oil price hike.