LEGAZPI CITY – Hindi nagpahuli ang mga Person Deprived of Liberty (PDL) sa Ligao City Jail sa Albay na gumawa ng paraan upang maipadama ang pagmamahal sa pamilya ngayong Valentines Day.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay JO3 Emerita Zubeldia, female duty custodial ng Ligao City Jail, gumawa ng beaded bonsai at beaded flowers ang mga PDLs na pwedeng pangregalo ngayong araw ng mga puso.
Mismong mga lalaking inmates ang gumawa ng mga beaded bonsai at beaded flowers para ibenta at ipangregalo sa mga mahal sa buhay.
Nagkakahalaga ng P100 ang mga beaded bonsai habang P50 naman ang isang piraso ng beaded flower.
Mayroon ding mga boquet ng beaded flowers na mabibili mula sa P250 pataas.
May ibang mga PDLs na sila mismo ang gumawa para ibigay sa kanilang asawa at kasintahan.
Patunay aniya ito na hindi hadlang ang rehas upang maipaabot ang pagmamahal sa kanilang mga minamahal sa buhay.
Ayon kay Zubeldia, bahagi ng livelihood program ang naturang aktibidad na malaking tulong para sa revolving fund ng mga programa ng Ligao City Jail.