LEGAZPI CITY – Mahigpit na kinondena ng Philippine National Police (PNP) Bicol ang nangyaring pananambang ng rebeldeng grupi sa kapulisan sa Sitio,Tucao Brg. JMA San Miguel, Catanduanes.
Patay sa engkwentro si Police Senior Master Sergeant (PSMS) John Teston, chief intel ng San Miguel MPS habang ligtas naman ang limang kasamahan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PLt.Col Louie Dela Peña, information officer ng Catanduanes Police Provincial Office, nauwi sa engkwentro ang inilunsad na manhunt operation ng pinagsamang puwersa ng San Miguel PNP at 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC).
Ikinasa ng kapulisan ang pagsisilbi ng ”warrat of arrest” laban sa dalawang ranked number 3 regional most wanted para sa 25 counts ng kasong rape at paglabag sa PD 705 o Revised Forestry Code of the Philippines.
Nag-negatibo ang nasabing operasyon matapos na hindi maabutan ang mga subject kaya minabuti ng kapulisan na magwidraw sa lugar.
Subalit bago pa man makalabas sa pinangyarihan ay tinambangan na ang mga otoridad ng nasa 15 mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army.
Pinaulanan ng putok ng baril ng rebeldeng grupo ang mga operatiba habang binabaybay ang kalsada pabalik ng estasyon sakay ng kanilang motorsiklo.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, tinamaan si Teston na nagresulta sa kanyang pagkamatay habang ang limang kasamahan nito ay agad na nakapagtago.
Natangay ng mga rebelde ang cellphone, wallet, kopya ng warrant of arrest at baril ni Teston.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbetigasyon at follow-up operations ng kapulisan upang maalaman ang pagkakakilanlan ng mg suspek at maarestar ang mga ito.