LEGAZPI CITY – Muling ipinagbawal ang paglabas ng mga residente sa kani-kanilang tahanan sa South Africa matapos na madiskobre ang mas nakakahawang Omicron variant ng COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bombo International Correspondent Kennedy Saitoti Letikirish, kung dati ay pinapayagan na silang makalabas ng tahanan at makabiyahe, ngayon ay muling inilagay sa lockdown ang kanilang mga lugar.
Ayon kay Letikirish, bumubuo na ang kanilang gobyerno ng mga bagong hakbang upang mas epektibong malabanan ang pagkalat ng Omicron variant habang patuloy ang panawagan na magpabakuna na.
Umaasa naman ang mga taga-South Africa na magiging epektibo ang ginagawang contact tracing upang mapigilan ang pagkalat ng naturang variant.
Sa ngayon ay nasa 2.9 milyon na ang kaso ng COVID 19 sa South Africa habang nasa 89,000 naman ang mga namatay.