LEGAZPI CITY – Dinepensahan ni House committee on constitutional amendments chairperson Rep. Alfredo Garbin Jr. ang pagsusulong ng pagtakalay ng amyenda sa Konstitusyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Garbin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, “continuing discussion” ang Charter change (Cha-cha) noon pa man bago ang pandemya.
Naniniwala ang mambabatas na panahon na upang ituloy ito at tanggalin ang mga probisyon sa Konstitusyon na humaharang sa malayang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Kung tutuusin, outdated na umano ang higit sa tatlong dekada nang Konstitusyon ayon kay Garbin kaya posibleng hindi na applicable sa kasalukuyang sitwasyon ang ilang probisyon.
Kabilang sa tinitingnang bentahe nito ang flow of capital sa bansa na maaring sa pamamagitan ng foreign investments at pagbibigay ng oportunidad sa mga mahihirap.
Pagtitiyak pa ni Garbin na hindi political kundi pag-amyenda sa economic provisions ang nais talakayin sa mga isasagawang pagdinig sa Kamara.
Aminado naman ang kongresista na hindi maaring ituloy ang hakbang kung walang public trust o confidence dahil nasa tao pa rin ang soberanya sa pagdedesisyon sa amyenda sa Konstitusyon.