
LEGAZPI CITY – Unti-unting naibabalik ang suplay ng kuryente sa probinsya ng Masbate matapos itong salantain ng Bagyong Opong noong nakaraang Setyembre.
Ayon kay Philippine Rural Electric Cooperatives Association Inc. (PHILRECA) Executive Director and General Manager Janeene Depay-Colingan sa isang panayam sa Bombo Radyo Legazpi, halos 97.4% ng mga barangay sa nasabing lalawigan ang mayroon nang suplay ng kuryente.
Aniya, karamihan sa natitirang suplay ng kuryente na hindi pa naibabalik ay sa mga nasa isla at sa ilang mga liblib na lugar ngunit tiniyak niya na sisikapin ng mga lineman ng Masbate Electric Cooperative, Inc. na maibalik ito.
Binigyang-diin din niya na naibalik ang kuryente sa probinsya sa loob ng 22 araw dahil sa kooperasyon ng mga Electric Cooperatives’ Task Force Kapatid warriors mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Isinaalang-alang din ng opisyal na mabilis nilang naisagawa ang restoration sa kabila ng malaking pinsalang dulot ng nagdaang bagyong Opong sa probinsya kung saan naapaktuhan ang supply simula sa backbone hanggang sa mga kabahayan.
Nahirapan din umano silang dalhin ang mga poste at kawad ng kuryente lalo na sa mga hindi madaanang kalsada ngunit mabuti na lamang ay may ilang trak na ipinadala upang tumulong sa paglilipat ng mga materyales na kailangan para sa restoration.
Ibinahagi rin ni Colingan na habang nagsisi-uwian ang mga warriors of light sa kani-kanilang mga lugar, nagsagawa rin sila ng send off ceremonies bilang pagpupugay at pasasalamat sa kanilang kontribusyon sa lalawigan ng Masbate.










