LEGAZPI CITY- Hindi na naisalba ang buhay ng isang 92-anyos na lola matapos na ma-trap sa nasusunog nitong bahay sa Daraga, Albay.

Kinilala ang biktima na si Estileta Arana na residente ng Purok 1 Brgy. Burgos.

Dakong alas-2:30 kaninang madaling-araw nang mangyari ang insidente subalit alas-3:03 nang matanggap ang report mula sa isang concerned citizen.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bureau of Fire Protection (BFP) Daraga OIC SFO4 Roque Bejer, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon subalit batay sa paunang ocular inspection sa pinangyarihan ng insidente, nakuha ang bote ng gasera na ginagamit ng matanda.

Kahit nakikikabit ng kuryente sa katabing malaking bahay, pinapatay naman umano ito ng matanda kung gabi na at gasera na lang ang ginagamit kapag umiihi o lumalabas.

Pinaniniwalaang na-suffocate ang matanda sa kapal ng usok kaya’t hindi na nakalabas.

Bukod sa mga gamit ng matanda, nabatid na may ilang papel at damit ng mga apo nito na nasa loob ng bahay.

Bureau of Fire Protection (BFP) Daraga OIC SFO4 Roque Bejer

Sa hiwalay na panayam naman sa apo ng biktima na si Dickson Manzanero, nabatid na mismong ito ang nakakita ng nasusunog na bahay.

Pasado alas-12:00 nang hatinggabi nang umuwi ito sa bahay galing sa lamay ng tiyahin at pamangkin na namatay upang matulog subalit nagising nang mapansin na mainit na ang singaw ng aircon sa kwarto.

Lumabas ito at nakita na kinain na ng malaking apoy ang bahay ng lola habang hindi na nagawang mailigtas ang matanda.

Salaysay pa ni Manzanero na mismong ang lola ang nagdesisyon na mamuhay mag-isa sa maliit na bahay na katabi lamang ng kwarto ni Dickson dahil malakas pa naman umano ito.

Dickson Manzanero, apo ng namatay

Samantala, inaalam pa ng BFP kung ilan ang aabuting pinsala ng insidente habang isasailalim rin sa autopsy ang bangkay ng matanda.