LEGAZPI CITY-Umabot na sa siyam ang nasawi matapos tumama ang Magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao kaninang umaga, ayon sa ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa General Santos City.
Nasa walong katao man ang naiulat na nawawala habang nasa kabuuang 142 katao ang sugatan.
Patuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue operations at damage assessment sa iba’t ibang lugar na apektado ng malakas na pagyanig.
Ayon sa mga inisyal na ulat dalawa ang naiulat na patay sa Calumpang (Felomina), isa sa Watergran, dalawa sa KCC, isa sa Silway, isa sa Savemore, isa sa San Jose, at isa pa sa Labangal Estate.
Samantala, ang mga nawawalang indibidwal ay dalawa sa Watergran, isa sa CPAVI Felomina sa Calumpang, at lima sa Insular Life Building sa Pioneer.
Sa kabuuan nasa 142 ang sugatan sa iba’t ibang barangay: lima sa Calumpang, 15 sa Tambler, 18 sa Lagao, apat sa Tinagacan, 18 sa Apopong, 25 sa Baluan, 10 sa Fatima, 40 sa San Isidro, apat sa Labangal, at dalawa sa West.
Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na manatiling alerto dahil posibleng magkaroon pa ng mga aftershock.











