LEGAZPI CITY- Na-rescue ng mga otoridad ang walong mga indibidwal na na-trap sa loob ng elevator sa isang hotel sa Tabaco City, Albay.
Ayon kay Bureau of Fire Protection Chief Emergency medical service FO3 Christmarx Bognalos sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na sinubukan pa ng pamunuan ng hotel na mailabas ang mga biktima subalit hindi ito nagtagumpay kaya nagpasya ng tumawag sa kanilang tanggapan upang magpasaklolo.
Isa sa mga na-trap sa loob ng elevator ay nakaranas na umano ng panic attack.
Kabilang pa sa walong mga indibidwal ay ang City councilor ng lungsod ng Tabaco.
Gumamit naman ng isang espesyal na ekipahe ang mga kinauukulan upang mabuksan ang naturang elevator dahil hindi na umano ito kinaya ng manual lamang.
Ayon kay Bognalos na lumabas sa pagsisiyasat na nagkaroon ng overloading dahil apat lamang sana ang maximum na dapat sumakay sa naturang elevator subalit walo ang sumakay rito.
Samantala, nagpaalala rin ang opisyal sa pamunuan ng mga gusali na siguruhin ang maintenance ng lahat ng mga kagamitan, elevators at iba pa upang masigurong hindi na mauulit ang kaparehong insidente.