LEGAZPI CITY – Inuulan ngayon ng reklamo mula sa mga residente ang mga barangay officials dahil sa muling pagdami ng mga langaw sa bayan ng Guinobatan sa Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Guinobatan Tourism Officer Noel Samar, pitong barangay na ang napeperwisyo ng nasabing mga langaw mula dalawang poultry farm sa Upper Binogsacan at sa Barangay Quibongbongan.
Kasama sa kasalukuyang nagtitiis sa sitwasyon ang mga barangay ng Lower Binogsacan, Lomacao, Banao, Mauraro at isang barangay sa bayan ng Camalig na katabi ng Brgy. Quibongbongan.
Ayon kay Samar, bumuo na ng monitoring team ang lokal na gobyerno para sa site inspection sa nasabing mga poultry farm upang mabigyan na ng solusyon ang muling pagdami ng mga langaw.
Hindi umano nila masisisi ang mga residente kung maraming mga residente na ang nagagalit at nagrereklamo sa barangay officials lalo pa’t malaking perwisyo at malaking banta rin sa kalusugan.
Aniya, kahit pa nakakadagdag sa revenue ng LGU Guinobatan ang nasabing negosyo, kailangan nang maghigpit lalo pa’t nakakaapekto na ito sa mga residente.
Kung sakaling magpatuloy ang pagapapabaya ng nasabing mga poultry farm at hindi solusyunan ang pagdami ng mga langaw posible umanong hindi na mabigyan ng permit ang mga ito.