LEGAZPI CITY – Umabot sa 68 mga negosyo sa Bicol ang nabigyan ng notice of violation ng Department of Trade and Industry dahil sa pagbebenta ng mga substandard na produkto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ruben Sombon ang Bicol Consumers Protection head ng Department of Trade and Industry Bicol, karamihan sa mga ito ay walang Philippine Standard Mark o Import Commodity Clearance Sticker at hindi dumaan sa tamang proseso.
Maikokonsidera umano na substandard ang ganitong mga produkto na delikadong ibenta sa publiko.
Kasama sa mga produktong ito ay ang mga electrical appliances, motorcycle parts at construction materials na may kabuohang halaga na P1.8 milyon.
Sa ngayon hindi pa kinukumpiska ng ahensya ang nasabing mga produkto subalit nakalista na ito sa inventory at hindi na dapat ipagbili pa.
Payo naman ng opisyal sa mga negosyante na iwasan ang pagbebenta ng ganitong mga substandard na produkto upang hindi mapagmulta at masampahan ng kaso.