LEGAZPI CITY – Tinatayang nasa anim na indibidwal ang patay sa nangyaring madugong aksidente sangkot ang isang pampasaherong jeep at truck sa Barangay San Rafael sa bayan ng Castilla, Sorsogon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Castilla MDRRMO Head, Edgar Ardales Jr., hindi baba sa 15 pasahero ang sakay ng naturang jeep kabilang na ang tatlong guro, isang buntis at mga estudyante.

Ilan sa mga pasahero ay nagtamo ng matinding injuries habang ang iba naman ay ideneklarang dead on arrival ng doktor, kasama na rito ang dalawang guro.

Maliban sa nasawing mga guro, napag-alaman na binawian din ng buhay sa insidente ang isang first year college student na nag-aaral sa Sorsogon State University- Castilla Campus.

Pinabulaanan naman ni Ardales ang mga kumakalat na impormasyon at nilinaw na hindi nanganak ang pasaherong buntis sa mismong pinangyarihan ng aksidente at umaasa ito na nasa ligtas na kalagayan ang mag-ina.

Ayon sa opisyal, makikita sa pinangyarihan ng aksidente kung gaano kalakas ang naging impact, lalo pa’t nang rumesponde umano sila ay kitang-kita na halos lahat ng mga sakay ng jeep ay tumilapon o naipon sa unahang parte ng jeep.

Dagdag pa ni Ardales, marami ang tinitingnang dahilan at anggulo sa pangyayari, ito ay ang posibleng pagkakakabig ng jeep hanggang sa makapasok sa linya ng kasalubong na truck, ngunit hindi rin inaalis ang posibilidad na koneksyon ng lubak sa daan para hindi na magawang makontrol ng driver ng jeep ang sasakyang minamaneho nito.

Sa kabila ng mga tinitingnang anggulo ay sinabi pa rin ng opisyal na inisyal pa lamang ang hawak nitong mga impormasyon dahil sa nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Philippine National Police sa aksidente.