LEGAZPI CITY- Sinamantala na ng ilang mga US voters ang early voting period bago pa man ang pormal na halalan.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Rosemarie Vasquez Wagoner, pumalo na sa 57% ng populasyon ang maagang bumoto bago pa man ang November 5 elections.

Sa bahagi lamang umano ng North Carolina ay pumalo na sa 58.9% ng populasyon ng estado ang nakiisa sa early voting period.

Nabatid na sa kasalukuyan ay hati rin ang suporta ng mga Pilipino sa Estados Unidos lalo pa at maraming mga kabataan ang nais na maihalala si US Vice President Kamala Harris habang ang mga nakakatanda naman ay may nais si Republican Donald Trump.

Paliwanag nito na kabilang sa mga isinasaalang alang ng ilang mga Pilipino ay ang kalagayan ng ekonomiya ng Amerika habang ang iba naman ang iniisip ang kapayapaan sa naturang bansa.

Dagdag pa ni Wagoner na isa pa sa mga iniisip ngayon ng mga mamamayan ay ang pagbibigay linaw sa plano ni Trump na malawakang deportation para sa mga migrante lalo pa kung masasakop nito ang ilang mga dayuhang manggagawa na legal na naghahanap buhay.

Samantala, batay sa pinakahuling mga surveys ay nananatiling dikit ang laban sa pagitan ng dalawang presidential candidates.