A 55-year-old man fled with his minor son's 22-year-old fiancée, taking all of their family's savings and jewelry.

Isang 55-taóng gulang na lalaki ang tumakas kasama ang 22-taóng gulang na fiancée ng kanyang menor de edad na anak, habang bitbit ang lahat ng ipon at mga alahas ng kanilang pamilya.

Kinilala ang lalaki bilang si Shakeel, isang ama ng anim at lolo ng tatlo, na umano’y tumakas patungong Delhi upang pakasalan si Ayesha (hindi tunay na pangalan), ang nobya na inihanda sana para sa kanyang 17-taóng gulang na anak na si Aman (hindi rin tunay na pangalan).

Ayon sa kanyang asawang si Shabbana, si Shakeel mismo ang nagpumilit sa pagpapakasal nina Aman at Ayesha, kahit pa tutol sila dahil sa murang edad ng kanilang anak at kakulangan sa pera.

Ngunit sa hindi inaasahang pag-ikot ng pangyayari, tumawag si Shakeel mula sa Delhi upang sabihin sa kanyang pamilya na siya na mismo ang nagpakasal kay Ayesha.

Ikinuwento rin ni Shabbana na madalas bumisita si Shakeel kay Ayesha sa ngalan ng paghahanda sa kasal, ngunit matagal na raw niyang pinaghihinalaan ang namumuong ugnayan ng dalawa.

Kapag kinakausap niya ang kanyang asawa tungkol dito, siya raw ay nilalait, pinapagalitan, at minsan pa ay sinasaktan.

Kalaunan, nakakuha siya ng ebidensiya—mga mensahe sa cellphone—na ipinakita niya kay Aman, dahilan para kanselahin nito ang kasal.

Ngunit hindi doon nagtapos ang eskandalo.

Bukod sa pagtakbo ni Shakeel kasama si Ayesha, nadiskubre rin na tinangay niya ang higit 200,000 rupees (halos ₱140,000) at ang lahat ng alahas ng pamilya.

Sa kabila ng matinding iskandalo, wala pa raw formal na reklamo na inihain laban kay Shakeel, kaya’t hindi pa makakilos ang mga pulis, ayon sa ulat ng Times of India.

Hindi ito ang unang pagkakataong may ganitong pangyayari sa India.

Ilang buwan lang ang nakalipas, naiulat din ang isang lalaki na tumakas at nagpakasal sa ina ng kanyang bride-to-be, siyam na araw bago ang kanilang nakatakdang kasal.