LEGAZPI CITY- Nagbabala ang isang environmental group na posibleng 50% ng populasyon ng Pilipinas ang maapektuhan kung sakaling hindi mapigilan ang patuloy na pagtaas ng temperatura.
Ito matapos lumabas sa pag-aaral ng World Resources Institute na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga tao sa buong mundo kung tataas pa ng 3 °C ang temperatura.
Ayon kay Philippine Movement for Climate Justice National Coordinator Ian Rivera sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na matagal na nilang pinag-aaralan ang epekto ng climate change.
Aniya, magiging mapanganib kung mas mapapadalas at mas magiging mahaba ang panahon na mararamdaman ang heat waves.
Dahil dito, sinabi ng opisyal na kinakailangang mapalakas pa ang mga hakbang ng pamahalaan upang mapaghandaan ang naturang phenomenon.
Babala pa ng opisyal na kung magpapatuloy ang matinding init ng panahon, posibleng nasa 70% hanggang 90% ng corals ang mawawala.
Dagdag pa ni Rivera na matagal na panahon ng nagbibigay ng babala ang mga siyentista subalit tila walang pakialam ang ilang mga korporasyon at ilang mga pamahalaan sa mundo.