LEGAZPI CITY – Naghihintay na lamang umano ng abiso ang nasa 50 Filipino exchange students na nananatili ngayon sa China mula sa Embahada ng Pilipinas kung kailan ang nakatakdang pagbiyahe pabalik ng bansa.
Nabatid na nasa limang buwan pa lamang na nananatili ang mga ito sa China bilang scholar sa pag-aaral ng Chinese language habang sa Hulyo 2020 pa ang pagtatapos sa programa.
Inihayag ni Jade Bañal, Bicolano exchange student sa Fuzhou City sa Fujian sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, tuloy-tuloy umano ang komunikasyon sa Embahada maging sa iba pang Pinoy students sa bansa.
Pinayuhan aniya ang mga ito na huwag gaanong lumabas ng bahay, tiyaking may suplay ng gamot at may inuutusan na lamang na bumili ng mga pagkain.
Dahil sariling gastos ang ginagamit habang wala pang dumarating na allowance, nangangamba rin ito kung hanggang kailan magtatagal ang naturang health crisis dahil sa novel coronavirus.
Tiniyak naman ni Bañal na nasa ligtas at maayos pa silang lagay sa ngayon.