Ipinapanukala ng isang kongresista sa Department of Health (DOH) ang pagkakaroon ng 5-year vaccination plan sa COVID-19 sakaling maging available na.
Ayon kay BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co sa Bombo Radyo Legazpi, hindi sasapat ang inilaang P2.5 billion na alokasyon sa pagbili ng bakuna sa ilalim ng 2021 proposed national budget.
Kung paghahahati-hatiin aniya ang naturang halaga, nasa P22 lamang ang mapupunta sa bawat tao ng 109 milyon na populasyon sa bansa.
Sa ilalim ng naturang plano, isinusulong ng mambabatas na unahin ang mga lugar na mataas ang bilang ng mga COVID-19 positive, partikular na ang Metro Manila at Visayas.
Kung mababawasan umano ang mga nahahawaan ng virus sa epicenter, bababa rin ang bilang ng mga magpopositibo sa ilan pang katabing lugar.
Kailangan rin aniyang isaalang-alang na nabawasan ang kaban ng bayan dahil sa COVID-19 response at sakaling bumuti na ang lagay ng ekonomiya sa susunod na taon, saka na lamang makakapaglaan ng karagdagang budget.
Kahit posibleng mabago pa, naniniwala si Co na kaunti na lamang ang magiging adjustment nito lalo pa’t sagad na ang budget allocation sa pagbili ng pamahalaan sa COVID-19 vaccine.