LEGAZPI CITY – Pormal nang kinasuhan ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group ang limang tauhan ng Matnog Municipal Police Station sa Sorsogon matapos mapag-alaman na labas-pasok sa kulungan ang dalawang preso.
Kabilang sa mga kinasuhan ang chief of police, deputy nito, on-case duty officer ng magsagawa ng pagberipika ang PNP IMEG at pulis na nag-utos sa dalawang detainee.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PNP IMEG spokesperson PLt. Mary Jean Cuevas, nakumpirma na totoo ang nakarating na impormasyon na malayang nakakalabas ang dalawang “Person Under Police Custody” (PUPC).
Naaktuhan pa sina Jr Genablazo, nahaharap sa kasong paglabag sa “Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002” at Pedro Garote, may kasong rape sa mismong palengke ng Matnog.
Ayon kay Cuevas, limang buwan nang labas-pasok sa kulungan si Genablazo at talong buwan naman si Garote tuwing uutusan ng pulis na direktang nagpakita ng iregularidad.
Inaalam din ang report na ginagamit sa iligal na aktibidad ang isa sa mga preso habang nagsasagawa ng hiwalay na pagsisyasat ang Police Regional Office 5.
Sakaling mapatunayan sa kasong grave misconduct, mahaharap ang mga ito sa dismissal from service. Sinabi pa ni Cuevas, bahagi ng internal cleansing sa PNP ang naturang operasyon upang maibalik ang tiwala ng mamamayan sa kapulisan.