LEGAZPI CITY- Naharang ng mga otoridad ang limang mga Chinese nationals sa border control sa Matnog, Sorsogon dahil walang dalang kaukulang dokumento ang mga ito sa kanilang pagbiyahe.
Sakay ng isang van ang naturang mga dayuhan at walang naipresentang mga visa.
Ayon kay Police Captain Jonathan Hapa, hepe ng Matnog Municipal Police Station sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na wala ring lisensya ang driver ng van at wala ring rehistro ang naturang sasakyan.
Nabatid na patungo sana ang mga ito sa China town sa Davao City.
Paliwanag ng hepe na agad silang nakipag-ugnayan sa Bureau of Immigration upang alamin kung legal ang pamamalagi ng naturang mga Chinese sa Pilipinas at nabatid naman umano batay sa records na may visa naman ang mga ito.
Samantala, ipina-inspeksyon rin ang sinasakyang van ng naturang mga dayuhan at clear naman umano ito sa anuman na iligal na kontrabando.