LEGAZPI CITY – Nadagdagan ang bilang ng mga Pilipino sa Hong Kong na napag-alamang positibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Kasunod ito ng pagpositibo ng isang babae na isinailalim sa pagsusuri at ika-apat na kaso ng Pilipino sa Hong Kong na nakumpirmang may coronavirus.
Sa ipinadalang mensahe ni Philippine Consulate General in Hong Kong Raly Tejada sa Bombo Radyo Legazpi News Team, sinabi nitong “in good spirits” ang Pinay habang asymptomatic din o walang “flu-like symptoms” na ipinamalas.
Subalit nilinaw ni Tejada na tatlo na lamang ang tala ng mga Pilipinong COVID-19 positive patients sa kasalukuyan.
Una nang nakalabas ng pagamutan ang unang Pinoy sa Hong Kong na nakumpirmang positibo sa virus matapos na maka-recover at magnegatibo na sa mga kasunod na tests.
Samantala, ginagawa naman umano ng Konsulada ng Pilipinas ang lahat upang maibigay ang mga kaukulang tulong para sa mga ito.