LEGAZPI CITY- Matapos ang naitalang sunod-sunod na sama ng panahon na nagdala ng pag-uulan, nakapagtala na ngayon ng sunod-sunod na matataas na heat index sa probinsya ng Catanduanes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jun Pantino, Weather Specialist sa Catanduanes, sinabing umabot na sa 45 degrees celcius ang naitalang pinakamataas na temperatura kahapon.

Nasa danger catergory umano ang naturang heat index kung kaya’t delikadong maging dahilan ng heat exhaustion, heat stroke, high blood o hika.

Maliban pa sa banta sa kalusugan at sa katawan, inihayag ng opisyal na maging ang mga magsasaka sa probinsya ay pinangangambahan na rin ang magiging malaking apekto sa kanilang hanapbuhay.

Dahil dito, ilan sa mga magsasaka ay nagdesisyon nang huwag na munang magtanim dahil sa malaking posibilidad na abutin lang ito ng sobrang init ng panahon na dala ng El NiƱo partikular na sa huling mga buwan ng taon.

Mauuwi lang aniya sa pagkatuyo ng mga pananim, lalo na ang mga lugar na hindi inaabot ng patubig o ng irigasyon.