LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng School Division Office (SDO) Legazpi ang naitalang mga kaso ng Hand, Foot and Mouth Disease sa Albay Central School sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay SDO Legazpi spokesperson Santi Araña, umabot na sa 42 na mga bata sa naturang paaralan ang tinamaan ng naturang sakit.
Sa nasabing bilang, 16 ang tinamaan sa kinder; 18 sa grade 1; tig-tatlo sa grade 2 at grade 3 habang dalawa sa grade 5.
Napag-alaman na Nobyembre 10 pa nakitaan ng mga sintomas ang ilang mga mag-aaral tulad ng pagkakaroon ng butlig-butlig, lagnat at pangangati ng katawan.
Dahil dito, agad na ipinagbigay-alam sa medical team ng DepEd Legazpi hanggang sa makipag-ugnayan sa Rural Health Unit ng lungsod at agad namang inaksyunan.
Ayon kay Araña na magsasagawa na ng araw-araw na disinfection sa naturang paaralan upang maiwasan na may mahawaan pang ibang mga bata.
Pinayuhan na rin ang mga magulang ng mga mag-aaral na striktiong i-obserba ang health protocols tulad ng palagiang paghuhugas ng kamay, pagdala ng alcohol at pagkakaroon ng proper hygiende.
Kasabay nito, dapat ring panatilihing malinis ang loob at labas ng silid-aralan.
Samantala, hindi naman nagkaroon ng suspensyon ng klase imbes inabisuhan ang mga batang tinamaan ng naturang sakit na magkaroon muna ng temporaryong online class.