LEGAZPI CITY – Pinag-iingat ng mga eksperto ang publiko sa matinding init ng panahon na dala ng El Niño.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jun Pantino ang weather specialist sa Catanduanes, kahapon ng makapagtala ng 41 degree celcius na heat index sa bayan ng Virac na pinakamainit na temperatura ngayong taon.
Delikado umano ang ganito kataas na heat index na posibleng magdulot ng heat stroke lalo na sa mga maedad na.
Hindi lamang mga tao ang naaapektohan ng El Niño dahil may mga magsasaka ang namomroblema ngayon matapos na matuyo ang kanilang mga patubig kung kaya namamatay ang mga pananim.
Sa bayan ng Virac, naiulat ang pagbitak ng lupa dahil sa kawalan ng patubig kung kaya hindi na muna makapagtanim ang ilang mga magsasaka.
Upang matulongan ang mga residente, plano ng lokal na gobyerno na magrasyon ng tubig sa mga kabahayan.
Payo naman ni Pantino sa mga magsasaka na magtanim na muna ng mga halaman na kayang mabuhay kahit kunti ang ulan lalo’t inaasahang magtatagal pa ang epekto ng El Niño hanggang sa buwan ng Mayo.