LEGAZPI CITY- Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Bicol na nasa 40% na ng mga pampasaherong sasakyan sa rehiyon ang nabigyan ng special permit sa pagbabalik-pasada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay LTFRB Bicol Acting Regional Director Eduardo Montealto, limitado pa rin ang binibigyan ng special permit dahil hindi pa naman tuluyang nagbubukas ang ilang mga establisyemento at iba pang industriya sa rehiyon habang kaunti rin ang mga pasahero.
Ayon kay Montealto, nakadepende naman sa mga Local Government Units ang request na magdagdag ng bilang ng mga pumapasada upang makasabay sa volume ng mga commuters.
Giit pa ng opisyal ang hirit ng mga driver lalo na sa mga jeep na nawalan ng kabuhayan subalit kailangan pa rin umanong sumunod sa protocol na pag-iwas sa nakakahawang virus.
Pagbabahagi pa ng LTFRB director na nag-aalok naman ng free training ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang maturuan ang mga ito sa skills para sa heavy equipment operator, welder, construction worker at iba pang magiging alternatibong trabaho ng mga ito.