LEGAZPI CITY – Sumampa na sa 40 indibidwal ang kinasuhan ng PNP Ciriminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil sa iregularidad sa pamamahagi ng cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) sa Bicol.

Sinabi ni PNP CIDG Bicol chief PCol. Arnold Ardiente sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinabibilangan ito ng siyam na Punong Barangay, siyam na barangay kagawad at barangay secretary, barangay health workers, empleyado ng Municipal Social Welfare and Development Office maging ang ilang sibilyan.

Kasabay ng nakatakdang pamamahagi ng ikalawang bugso ng SAP, tiniyak ni Ardiente na patuloy ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso hanggang may natatanggap na mga reklamo ukol sa anomalya.

Subalit hangad ni Ardiente na maging deterrent na ang nangyari sa first tranche upang hindi na pamarisan ng iba.

Pagbabahagi pa ni Ardiente na sa Bicol, tanging sa Catanduanes lamang walang natanggap na reklamo sa SAP distribution.

Kabilang sa mga kakaharaping kaso ng mga ito ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Hawak na rin ng kani-kaniyang Provincial Prosecutor’s Office ang kaso at papasagutin ang mga sangkot sa preliminary investigation na siyang huhusga sa probable cause saka iaakyat sa korte.

PNP CIDG Bicol chief PCol. Arnold Ardiente