Photo Courtesy: Arnolf R. Lorcha

LEGAZPI CITY – Sinimulan na ring ilikas ang mga residenteng nakatira sa loob ng 7-8 km extended danger zone ng Bulkang Mayon sa bayan ng Sto. Domingo sa Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay MDRRMO Sto. Domingo head Engr. Edgar Balidoy, napagdesisyunang ilikas ang mga nakatira sa naturang mga barangay dahil prone sa lahar flow lalo pa’t nakararanas ng panaka-nakang pag-ulan sa lugar.

Kabilang sa mga ito ang mga barangay ng Lidong, Fidel Surtida, Sta. Mesirecordia, San Fernando at San Isidro.

Sa pinakahuling tala, umabot na sa 730 na mga pamilya o 2,400 na mga indibidwal ang inilikas sa bayan na nasa loob ng danger zones ng bulkan.

Kaugnay nito, inaasahan na madadagdagan pa ang bilang ng mga evacuees tulad noong nangyaring 2018 eruption kung saan umabot sa 15,000 na indibidwal ang kinailangang ilikas.

Sa kasalukuyan, nasa apat na evacuation areas ang naas bayan habang makikita rin ang ilang mga residente na gumagawa ng kani-kanilang paraan upang makagawa ng pansamantalang matutuluyan tulad ng kubo.

Ayon kay Balidoy, sanay na ang mga residente sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon kung kaya’t alam na ang mga gagawin sa ganitong sitwasyon.

Nakatakda namang magpalabas ng anunsyo ang lokal na pamahalaan para sa planong pagbabawal ng anumang klase ng alak sa loob ng 8km extended danger zone.

Samantala, tumaas pa sa mahigit 15,000 ang bilang ng mga inilikas mula sa mga lugar na pasok sa permanent danger zone kaugnay ng patuloy na pag-alburoto ng Bulkang Mayon.

Sa hiwalay na panayam kay OCD Bicol spokesperson Gremil Naz, batay sa pinakahuling datos umabot na sa kabuuang 4,400 na pamilya o 15,676 na indibidwal ang inilikas.

Mula ang naturang bilang sa pitong Local Government Units kabiilang na ang Camalig, Ligao City, Daraga, Guinobatan, Malilipot, Santo Domingo at Tabaco City.

Habang nasa 120 na livestock na rin ang nailikas sa ligtas na lugar tulad ng kalabaw, baka at kambing.