LEGAZPI CITY- Pinaghahandaan na ngayon ng Barangay Burabod sa bayan ng Libon, Albay ang posibleng epekto ng panibagong sama ng panahon.

Ito matapos na makapagtala ng malawakang landslide sa naturang barangay noong nanalasa ang bagyong Kristine.

Ayon kay Kapitan Irwin Perez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na idineklara na bilang ‘no man’s zone’ ang ilang bahagi ng lugar.

Matatandaan kasi na nasa 26 na mga kabahayan ang natabunan sa apat na zones sa barangay matapos ang naitalang landslide.

Nabatid na ini-relocate na ang nasa 339 families dahil sa panganib sa mga residente lalo na ngayon na magkakasunod ang sama ng panahon sa lalawigan.

Samantala, siniguro naman ni Perez na naibibigay ang pangangailangan ng mga apektadong residente lalo pa na marami ang tulong na dumarating sa naturang lugar.